January 14, 2009

Hanggang may nagtitiwala parin sa akin hindi ako titigil

Ang pamagat na iya'y isa sa mga nasambit ko sa III - Caimito habang parang nasa bilangguan ako't tumatalakay ng isang aralin sa tula. may sumisigaw, nagtetext, nagbibiruan, gumagawa ng takdang-aralin sa ibang asignatura, nagsasalamin lahat yata ng maaaring magpainis at magpainit ng ulo'y kanilang ginagawa. pangkaraniwan na itong sitwasyon sa kanilang buhay... walang ginagawa... parang ginawa lamang tambayan ang silid aralan... isang larawan ng paglulumo, kabigatan ng loob.

Isa sila sa aking prustasyon sa pagtuturo, nakakapanghina man madalas pero dito laging nasusubukan ang tatag ko sa pinili kong landas sa buhay... alam kong marami akong maibulalas sa kanila ng mga aralin sa Panitikan, maisasapusong konsepto sa buhay, maikakathang daloy ng akdang pampanitikang magpapabago sa kanilang pagkatao ngunit ito'y hindi nila pinapahalagahan bagkus pagbubuska, panlalait, panliliit sa sarili ang naibabato nila sa akin ----- at ang dahilan nito ay ang pagiging bata ko sa kanilang harapan isang 22 taong gulang na humihimok na makagawa ng pagbabago (Sino ba ako? kung gayon na walang ibinatbat sa mga higanteng gurong matagal ng nagtuturo sa paaralan)

Sa araw-araw na pagbabawal at pagkainis, pag-init ng ulo at minsa'y maghinahon at pakikipag-usap ng sarilinan at pangkatan ay nasambit ko ang mga salitang ito

"ALAM NINYO KAHIT HINDI KAYO MAKINIG, HINDI PA RIN AKO TITIGIL SA AKING GINAGAWA DAHIL MAYROON PARING NAGTITIWALA SA AKIN, AT SA MGA MAG-AARAL NA PATULOY NA NAGTITIWALA SA KAKAYAHAN KO SA PAGIGING GURO KO DOON KO HINUHUKOT ANG INSPIRASYONG MAIPAGPATULOY KO ANG LARANGAN NG PAGTUTURO" (sinambit ko ito sa boses na may katatagan at singlakas ng nakikipag-away sa palengke)

Bigla silang tumahimik, waring may katagang nasabi na nagpaupo sa malikot nilang katawan...
naibulalas ko ang sakit ng loob ang hilahil ng pagtuturo pero kahit mahirap man, may pasang krus kang dala hanggang may mga mag-aaral na nagbibigay sa akin ng inspirasyon na ako'y magaling, na kailangan pa nila ako, na nababahiran sa ilan-ilang mag-aaral ang kasiyahan, pag-iinitndi at pagmulat sa akin na masaya ang magtuturo ay magpapatuloy pa rin ako

DAHIL SILA ANG DAHILAN NG LAHAT NG ITO

No comments: